Biyernes, Oktubre 21, 2011

PAMAHIIN AT ALAMAT

MGA PAMAHIIN

MGA SANGGOL AT MGA BATA 
(Infants and Children)

1. Mga Sanggol (Infants) 
     Kapag ang sanggol ay madalas hinahawakan ang kanyang mga paa, ibig sabihin ay gusto na niya ng kapatid na babae o lalaki. (If a baby often holds his feet, it means that he wants a younger brother or sister.)

     Kapag ginupit ang mga buhok ng pilik-mata ng bata sa habang siya ay isang buwan pa lamang, ang mga ito ay lalago ng maganda at mahahaba. (Cutting a baby's eyelashes during her first month will them grow long and beautiful.)

      Hindi dapat hinahalikan ang sanggol habang siya ay natutulog dahil ito siya ay lalaking sutil o makulit. (An infant must not be kissed when he is sleeping because he will turn naughty when he grows up.)

      Ang sanggol na madalas isubo ang kanyang mga daliri sa paa ay nangangahulugan na ang kanyang nanay ay magbubuntis na muli. (A baby who sucks on her toes means her mother will soon be pregnant again.)

      Kapag ang paa ng sanggol ay madalas halikan, siya ay lalaking palasagot sa kanyang mga magulang. (Kissing a baby's feet will result in the baby talking back to her parents when she grows up.)

     Ang sanggol na suhi ay magdadala ng swerte sa kanyang pamilya. Siya ay magkakaroon ng kapangyarihang alisin ang mga tinik ng isda sa lalamunan ng isang tao kapag hinawakan niya ang leeg nito. (A breech baby will bring luck to the family. She will also have the power to remove fish spines stuck in another person's throat by merely touching that person's neck.)

     Kapag ang sanggol ay bibinyagan, siya ay dapat kargahin ng isang taong may hawak na barya sa kanyang kamay o bulsa. Ito ay maghahatid ng swerte sa bata. (When a baby is baptized, he should be carried by a person with plenty of coins in his hand or pocket. This brings good luck to the baby.)

2. Mga Bata (Children)

     Kapag umiyak ang bata sa araw ng kanyang binyag, ito ay isang palatandaan ng prosperidad. At kapag mas malakas ang kanyang iyak, siya ay mas lalong yayaman. (A child that cries during his baptism is a sign of prosperity. The harder the child cries, the richer he will be.)

     Kapag ang bata ay handa ng lumakad, ilagay siya sa hagdanan. Payapakin siya sa isang plato o ano mang bagay, huwag lamang siya tumapak sa lupa. Ito ay panigurado lamang na kung sakali mang siya ay maliligaw, siya ay makakabalik sa kanyang tahanan. (When a child is ready to walk, put him on the stairs. Have him step on a plate or anywhere else so long as his feet do not touch the ground first. This is to ensure that he will always find his way home from wherever he may roam.)

     Kapag nahulog ang ngipin ng bata, itapon ito sa bubong ng bahay upang ito ay makita ng mga daga.    Kapag umusbong a bagong ngipin ng bata, ito ay kasing tibay at malakas na gaya ng ngipin ng mga daga. (If a child's milktooth falls out, throw it up onto the roof of the house so that the rats will find it. When the new tooth grows in, it wil be as strong and as powerful as a rat's tooth.)

     Ang mga bata ay hindi dapat payagang maglaro sa mga huling oras ng hapon kung kailan ang kulay ng abot-tanaw ay mapulang-dilaw, dahil sa mga oras na iyon ang mga masasamang espiritu ay nagsisipaglakbay. (Children should not be allowed to play late in the afternoon when the horizon is yellow-orange in color, because evil spirits roam around at the time.)

     Maaantala ang paglaki ng isang bata kung siya hinahakbangan kapag siya ay natutulog. (Stepping over a child while he is asleep will slow down his growth.)



Ang Alamat ng Alitaptap

     Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili. Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas niya kahit nakaharap ang dalaga.
Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.
"Napakagandang dalaga," wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.
Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.
Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.
"hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo'y pango, ang mata mo ay duling at ang mga tenga mo ay malalapad!" sigaw ng binata.
Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga. Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.
Siya ng dalaga, "ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo," ang utos ng engkantadang babae.
Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi't araw. Upang makita niya ang babaing gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

DYOSA !!!

Larawan ito ng isang DYOSA na maaaring gamitin bilang larawan sa PANGGANYAK sa nga nag-aaral sa FILIPINO.

Martes, Setyembre 27, 2011

BSEd major in FILIPINO!

Ito ang aking nagawang flyer na humihikayat sa lahat ng PILIPINO na maging maalam sa sariling wika!!!
At maging isang GURO SA FILIPINO upang tulungang itaguyod at ipaglaban, payabungin at mahalin ang SARILING WIKA!!!

Miyerkules, Setyembre 21, 2011

Banghay-Aralin sa Filipino I (Ang Pag-ibig ni Emilio Jacinto)

Banghay-Aralin
Sa
Filipino III


I.Mga Layunin
            Sa pamamagitan ng larawan, 80% ang mga mag-aaral sa ikatlong taon ay inaasahang:
a.     Nakapagbibigay-kahulugan sa mga mahihirap na salita;
b.     Nakapagtutukoy ng teoryang panliteratura na ginamit sa akda;
c.     Nakapagpapahayag ng mga sariling paraan ng mga sariling paraan ng pagpapadama ng pag-ibig; at
d.     Nakapagsisipi ng mga pahayag mula sa sanaysay.
II. Paksang-Aralin
            Paksa                            : “Ang Pag-ibig” ni Emilio Jacinto
            Sanggunian                    : Badayos, Paquito B. Yaman ng Pamana III. Pp. 162-169
            Kagamitan                     : larawan, hugis pusong cartolina, graphic organizer (positive-negative chart)
            Pagpapahalagang Moral : Paggalang sa damdamin ng iba
            Kasanayan                    : pagsang-ayon at pagsalungat

III. Pamamaraan
A.     Pangganyak
Sa araw-araw nating pamumuhay, hangad natin ay kapayapaan at katahimikan. Ngunit hindi talaga maiiwasan ang mga masasamang pangyayari, pag-uugali at kilos.
Magpapaskil ng dalawang larawan ang guro sa pisara.
Pansinin ang dalawang larawang pinaskil ko sa pisara.
·         Ano ang makikita sa unang larawan? Sa ikalawang larawan?
·         Ano ang pagkakaiba at pagkakatulad ng larawan?
B.     Paglalahad
Ang kapayapaan ay nakakamit dahil sa pagmamahal na namamayani sa bawat isa. Kung nagmamahal ka, igagalang mo ang iyong mga magulang, tutulungan ang iyong kapwa at lilinisin ang iyong kapaligiran. Kasamaan naman ang dulot ng kawalan ng pagmamahal. Naiinggit ka sa iyong kapwa, sinusuway ang mga magulang at kaligayahan mo ang kapahamakan ng sangkatauhan. Nagkakaiba an gating palagay sa kahulugan ng tunay na pagmamahal. Tunghayan natin ang pagpapakahulugan at pagpapahalaga ni Emilio Jacinto sa pagmamahal sa kanyang sanaysay na pinamagatang “Ang Pag-ibig.”
           
C.      Pagbibigay ng Pangganyak na Tanong
Alam kong may ideya na kayo tungkol sa sanaysay pero sa kabilang banda may mga katanungan din kayong gusting mabigyang-linaw.
Ilalahad ng mga mag-aaral ang kanilang mga tanong ukol sa sanaysay na “Ang Pag-ibig”.
·         Bakit pinamagatang “Ang Pag-ibig” ang sanaysay ni Emilio Jacinto?
·         Paano inilarawan ng may-akda ang pag-ibig?
·         Ano ang magagandang dulot ng pag-ibig?
·         Ano ang maaring mamayani kung walang pag-ibig?

D.    Pag-alis ng Sagabal
Bibigyan ko ang bawat isa ng mga papel na hugis puso. Nakasulat sa mga puso ang mga mahihirap na salitang kailangan niyong itapat sa mga kahulugang ipapaskil sa pisara.
NANGANGATAL        panginginig ng katawan o tinig kapag nagagalit natatakot o nagiginaw
NALIPOS                    ganap na natakpan
PITA                           ibig; matinding pag-asam
ABA                           dukha
MANAMBITAN         pagsusumamo; pagmamakaawa
E.     Pagtatalakay
Sa mga hugis pusong ibinigay ng guro kanina, ipapangkat ang klase sa tatlo. Ang nakakuha ng malalaking puso ang kabilang sa unang pangkat. Ang may maliliit na puso ang kabilang sa unang pangkat. Ang may maliit na puso ang ikalawang pangkat. Ang nakakuha naman ng mga pusong may hugis tao sa loob ay ang ikatlong pangkat.
Unang Pangkat
Sumipi ng mga pahayag na naglalarawan o kakikitaan ng mga positibong dulot ng pag-ibig. Isulat sa cartolina.
·         Bakit napili ninyo ang mga pahayag na ito?
·         Anu-ano ang magagandang dulot ng pag-ibig?
·         Sumasang-ayon ba kayo sa magagandang dulot ng pag-ibig ayon kay Emilio Jacinto? Bakit?
Pangalawang Pangkat
Sumipi ng mga pahayag na naglalarawan ng mga negatibong pangyayari dahil sa kawalan ng pag-ibig. Isulat sa cartolina.
·         Bakit napili ninyo ang mga pahayag na ito?
·         Anu-ano ang magagandang dulot ng pag-ibig?
·         Sumasang-ayon ba kayo sa magagandang dulot ng pag-ibig ayon kay Emilio Jacinto? Bakit?
Pangatlong Pangkat
Sumipi ng mga pahayag na nasasangkot ng mga taong may magagandang dulot o may masasamang dulot ng kawalan ng pag-ibig. Pangalanan ang bawat isa. Isulat ang pahayag at ang mga tao sa cartolina.
·         Ano ang maaaring mangyari sa kanila kapag namayani ang pag-ibig?
·         Ano ang maaaring mangyari sa kanila kapag walang pag-ibig?
Bibigyan lamang ng 10 minuto ang mga mag-aaral upang magawa ang mga iniatas sa kanila. Magbabahaginan ang bawat grupo sa harap ng klase.
F.      Pagsagot sa Pangganyak na Tanong
Mula sa binahagi ng bawat pangkat sa klase, ilahad muli ang inyong tanong kanina at sagutin ninyo pagkatapos.
Ilalahad ng mga mag-aaral ang kanilang mga tanong at sagot.

G.    Pagpapalawak
Mananatili ang mga mag-aaral sa kanilang mga pangkat. Bawat pangkat ay pipili ng angkop na awit na naglalarawan sa pag-ibig ng Poong Maykapal (Pangkat 1), pag-ibig sa Magulang (Pangkat 2), at pag-ibig sa kapwa at bayan (Pangkat 3). Aawitin ito ng bawat pangkat sa harap ng klase. Bawat sa ay kailangang maglahad ng mga paraan paano ipapadama ang pag-ibig sa Poong Maykapal, magulang, kapwa at bayan.
H.     Paglalapat
Pansinin ang pahayag na ito.
    “Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang mag-iiwi sa mga sanggol? At mabubuhay naman kaya ang mga anak sa sarili lamang nila? Kung ang anak kaya naman ay walang pag-ibig sa magulang, sino ang maging alalay at tungkod sa katandaan? Ang kamatayan ay lalo pangn matamis kaysa buhay para sa matandang nangangatal ang tuhod at nanlalabo ang pagod na mga mata ay wala nang malingapang mag-aakayat at makaaaliw sa kanyang kahinaan.”
·         Sinu-sino ang pinag-uusapan sa pahayag na ito mula sa sanaysay?
·         Paano umikot sa mga taong ito ang Pag-ibig?
          Ang mga taong ito na binanggit sa sanaysay ang sentro ng pag-ibig. Samakatuwid nakatuon ang pag-ibig sa mga taong  binanggit. Kung gayon anong teoryang pampanitikan ang ginamit sa sanaysay na ito?

Teoryang Humanismo
                  Ano ang teoryang Humanismo?
                                  Ang tao ang sentro ng pagsusuri sa akda.

        I. Paglagom ng Seleksyon
                  Ang mga siniping pahayag ng bawat pangkat ay ilalagay sa loob ng graphic organizer (positive-negative chart) na ipapaskil sa pisara.

NEGATIBO                        Ang Pag-ibig ni Emilio Jacinto                      POSITIBO
                                                 MGA PANGALAN


Anu-ano ang mga magagandang dulot ng pag-ibig?
Ano-ano ang maaring ibunga ng kawalan ngn pag-ibig?
Sinu-sino ang nakadama ng pag-ibig?

        J.Ebalwasyon
                Sa isang kalahating papel sagutin ang mga sumusunod na tanong:
                              Ibahagi ang iyong karanasan sa pag-ibig.
                              Paano mo ito pananatilihin?
                              Ibahagi ang iyong karanasan sa mga bunga ng kawalan ng pag-ibig.
                              Paano mo ito maiiwasan?

IV. Takdang-Aralin
               Sumulat ng isang sanaysay na may kaugnayan sa pag-ibig. Ang sanaysay na gagawin ay dapat sumunod sa mga pamantayan.
May 3 talata (simula, katawan, wakas
May 5 pangungusap bawat talata
May organisado at malikhaing ideya/kaisipan
Dapat malinis at maganda ang sulat kamay
Isulat sa short bond paper





 

Lunes, Setyembre 19, 2011

Mapa ng Rehiyon 3 Gitnang Luzon

Isang modyul ng REHIYON III GITNANG LUZON

 


ISANG MODYUL NG 
REHIYON III GITNANG LUZON





Modyul 3
Si Binibining Phathupats
ni Juan Crisostomo Soto


Panimula

            Ang modyul na ito ay nakalaan para ika’y matuto. Ito ay inihanda upang mapag-ralan mo ang iba’t ibang lalawigang sakop ng Rehiyon 3 Gitnang Luzon at ang mayamang panitikang angkin nito. Nakapaloob dito ang ilang aralin, pagsasanay at pagsubok na susukat sa iyong kakayahang unawain ang akda, suriin ito batay sa mga sangkap ng maikling kwento at pahalagahan ang mensahe at aral na nais ihatid ng may-akd sa kanyang mambabasa. Inayos ang mga gawain upang mapahalagahan ang panitikan ng rehiyon. Kailangang mapag-aralan mo ito upang matukoy ang mga mahahalagang kaisipan at magamit  sa pagharap mo sa mga hamon ng buhay.


Mga Dapat Gawin Upang Matuto
1.    Sundin ang mga panuto sa bawat gawain.
2.    Basahin nang mabuti ang maikling kwento.
3.    Ipahayag ang sariling pananaw at saloobin.
4.    Sagutin ang mga pagsubok nang may katapatan.


Pangkalahatang Layunin
           
Pagkatapos mong mapag-aralan ang modyul na ito, inaasahang:
1.    nasusuri mo ang maikling kwento gamit ang mga sangkap nito;
2.    naibibigay mo ang iyong mga sariling saloobin at damdamin tungkol sa kwento; at
3.    nadadagdagan mo ang mga pariralang may kaugnayan sa sitwasyong ibinigay sa iyong buhay.


Upang malaman ang iyong kahandaan sa araling ito, ikaw ay mabibigyan ng paunang pagsubok.



Paunang Pagsubok
A.   Pangalanan ang mga Lalawigan
Panuto: Pangalanan ang mga lalawigang sakop ng Rehiyon 3 Gitnang Luzon batay sa mga sumusunod na paglalarawan. Ilagay sa blangkong mapa ang iyong sagot.
1.    Ito ay dating bahagi ng Quezon. Sa katunayan, ang pangalan ng lalawigang ito ay nagmula sa pangalan ng maybahay ni Pangulong Manueul L. Quezon.
2.    Lungsod ng Balanga ang kabisera nito at pinapaligiran ng mga lalawigan ng Zambales at Pampanga sa hilaga.
3.    Ang pangalan ng lalawigang ito ay maaaring tumutukoy noon sa pook na may maraming tanim na bulak o bulaklak.
4.    Ipinangalan ang lalawigan sa lumang lungsod ng Écija sa Seville, Espanya.
5.    Pinaniniwalaang mula sa ugat na salitang “Malatarlac, (talahib).
6.    Ang pangalan ng lalawigan ay nagmula sa wikang Zambal na ang ibig sabihin ay "mapamahiin at sumasamba sa kaluluwa ng mga namatay na kamag-anak."
7.    Ang pangalan nito ay ibinigay ng mga Kastila sa lalawigan dahil natagpuan nila ang mga unang naninirahan dito sa tabi ng pampang.

B.   Pagpapakahulugan sa mga mahihirap na salita.
Panuto: Alamin ang kahulugan ng mahihirap na salita sa loob ng mga sumusunod na pangungusap. Isulat ang titik ng iyong sagot sa puwang bago ang bilang.
_____1. Punong-puno ng kolorete ang mukha ng dalagang si binibining Yeyeng.
a.    pinturang pangmukha
b.    pampapula sa labi
c.    pampaputi ng mukha
d.    kosmetikong pampaganda
_____2. Paglipas ng walong buwan, sa amuki ng gurong kawal, pinahatid siya sa isang bayan kung saan siya pinagturo.
a.    pag-akit sa iba upang mapasang-ayon sa isang bagay
b.    pagpapayo sa iba upang tanggihan ang isang imbetasyon.
c.    pagsasabi ng magagandang bagay upang mapasang-ayunan ang isang desisiyon
d.    panghihikayat sa grupo ng tao upang pabulaanan ang isang desisiyon.
_____3. Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila,kaya kailan man hindi na siya makapagsalita nang tuwid at nauutal siya.
a.    nabubulol na pagbigkas
b.    paputul-putol na pagbigkas ng mga salita
c.    nasasapid ang dila kapag nagsasalita
d.    hindi marunong bumigkas ng salita
_____4. Pinalitan tuloy ang kanyang pangalan at pinangalanan siya ng matunog at umaalingasaw na “Binibining Pahathupats”.
a.    matunog at malansang amoy
b.    mahina ngunit mabahong amoy
c.    malakas at mabahong amoy
d.    walang tunog ngunit malansang amoy
_____5. Ang Binibing Phathupats ang naging palasak.
a.    laganap
b.    di-pangkaraniwan
c.    naiiba
d.    madalas ginagamit

Makikita mo sa susunod na pahina ang tamang sagot sa paunang pagsubok. Mag-tsek ka.

Sagot sa Paunang Pagsubok
A.   1. Aurora       

2. Bataan

3. Bulacan

4. Nueva Ecija

5. Tarlac

6. Zambales

7. Pampanga




B.   1. Kolorete                 - d.kosmetikong pampaganda

2. amuki                     – a. pag-akit sa iba upang mapasang-ayon sa isang bagay

3. nauutal                  – b. paputul-putol na pagbigkas ng mga salita

4. umaalingasaw     – c. malakas at mabahong amoy

5. palasak                  – a. laganap
           

Upang magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa Rehiyon 3, basahin mong mabuti at unawain ang paglalahad sa susunod na pahina.



Rehiyon 3 Gitnang Luzon


Pangkalahatang kaalaman
       
Ang Gitnang Luzon ay isang malaking kapatagan kung saan inaani ang karamihan sa bigas na kinakain sa araw-araw. Ang mga probinsya o lalawigang bahagi ng Gitnang Luzon ay Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales at Pampanga. Ibaling ang iyong pansin sa mayamang lalawigan ng Pampanga.
        Ang Pampanga ay hango sa salitang pampang o pampangan na ang ibig sabihin ay tabing ilog. Mangilan-ngilan lamang ang kanilang literatura bago dumating ang mga Kastila kaya napakadaling naimpluwensiyahan ang panitikan nila nang dumating ang mga Kastila. Lalo na ng dumating ang mga Amerikano. Ilan sa mga kilalang manunulat ng Rehiyon 3 ay sina Virgilio S. Almario, Julian Cruz Balmaceda, Aurelio Tolentino, Jose Corazon de Jesus, Aniceto dela Merced, Marcelo H. ddel Pilar, Francisco Baltazar, Florentino Collantes, Teodoro Giner, Cinco H. Panganiban, Valeriano Hernandez Peña at Juan Crisostomo Sotto.


Basahin mong mabuti at unawain ang maikling kwento mula sa Pampanga.


Si Binibining Phathupats
ni Juan Crisostomo Soto

                 Punong puno ng kolorete ang mukha ng dalagang si Binibining Yeyeng. Sabi nila ipinanganak ang kanyang mga magulang sa sulok ng Pampanga, sa pinakamaliliit na bayan nito. Dahil dito Pilipina si Binibining Yeyeng mula ulo hanggang paa, at kahit sa kadulu-duluhan ng kanyang buhok, Kapampangan siya.
Dahil mahirap lang sila, karamihang nagtitinda ang ikinabubuhay. Nakikita si Binibining Yeyeng na sunong ang ginatan o kaya bitso-bitso na inilalako niya sa mga sugalan. Nagdalagang walang pagbabago sa buhay nitong binibini.
Natapos ang rebolusyon. Nagbukas ng paaralan ang pamahalaang militar ng Amerika at dito pinagturo ang mga sundalong Amerikano. Nangyaring si Binibining Yeyeng, Yeyeng pa noon, wala pang binibini, ay nagkaroon ng suking sundalo. Inakit ng sundalong mag-aral ang dalaga sa paaralang kanyang pinagtuturuan upang magkaintindihan sila. Sa kanilang pag-uusap, nag-iingles ang sundalo, nagkaka-pampangan si Binibining Yeyeng, kaya napilitan siyang mag-aral.
Pagkaraan ng ilang buwan, nagsasalita na ng ingles si Binibining Yeyeng. Paglipas ng walong buwan, sa amuki ng gurong kawal, ipinahatid siya sa isang bayan kung saan siya pinagturo.
Noong nagtuturo na doon, pinahanga niya ang taong-bayan dahil nakikita nilang mas marunong siya ng ingles kaysa sa kanila.
Ganyan lumipas ang panahon. Halos hindi na nagsalita si Binibining Yeyeng ng Kapampangan dahil sabi niya ay nakalimutan na niya. Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila, kaya kalian man hindi na siya makapagsalita ng tuwid at nauutal siya.
Nagkalabitan ang mga maalam na nakakikilala sa kanya pagkarinig nito. Pinalitan tuloy ang kanyang pangalan at pinangalanan siya ng matunog at umaalingasaw na “Binibining Phathupats,” pangalang hango sa malapad niyang balakang na pilit na iniipit sa pahang mahigpit na ginagamit niya, kaya wala siyang iniwan sa patupat o suman sa ibus na mahigpit ang balot.
Magmula noon ito ang pangalang ibinansag sa kanya at nakalimutan nilang tuluyan ang Yeyeng, ang malambing niyang palayaw. Ang Binibining Phathupats ang naging palasak.
Ganito nang ganito ang buhay. Hindi nagtagal lumabas ang Ing Emangabiran, pahayagang Kapampangan sa Bacolor. Sa isang pista o velada sa bayang X, na kung saan dumalo si Binibining Phathupats, binabasa ito. Lumapit siya, ngunit nang makita na Kapampangan ang binabasa, lumabi ng kunti, umiling at nagsabi. 
“Mi no entiende el Pampango”
“Mi no entiende ese Castellano, Binibini,” sabi naman ng isang susut, ginagad ang kanyang tono.
Napangiti lahat ng nasa umpukan: at sapagkat may pinag-aralan sila, hindi na nila ipinakita ang pagkaaliw nila sa binibini. At ito namang babae kahit alam na parang tinutukso na siya ay nagpatuloy din at nagsabi:
“Sa katunayan, totoong nahihirapan na akong bumigkas ng Kapampangan lalo na kung binabasa ko.”
Dito sa iilang salitang binigkas niya, sumama lahat ang iba’t ibang wika ng talasalitaang bulgar na ang Ingles, Kastila, Tagalog na pinaghalu-halo niya ang walang kawawaan. Hindi na nakapagpigil ang mga nakarinig; napatawa sila ng malakas.
Nagalit si Binibining Phathupats, hinarap ang mga tumatawa at sabi niya: 
“Porque reir?” 
“Por el tsampurado, Binibini,” sabi ng unang sumagot.
Lalong lumakas ang halakhak ng mga nakikinig at nag-init ang pakiramdam ni Binibining Phathupats.
Isa sa mga nakatayo ang nagsabi ng ganito.
“Hindi kayo dapat magtaka kung hindi na marunong ng Kapampangan si Binibining Phathupats: Una, dahil matagal na siyang nakisama sa mga kawal na Amerikano: pangalawa, hindi na siya Kapampanga. Katunayan Binibining Phathupats ang kanyang pangalan”.
Noon na sumabog ang bulkan. Putok na ubod nang lakas, sumabog ang kaldero ni Binibining Phathupats at mula sa bunganga niyang naglalawa lumabas ang lagablab ng Vesubiyo o ang lahat ng maruruming salita sa Kapampangan, bigla niyang pinagsama-sama sa nag-aapoy na bunganga. 
“Walanghiya! Magnanakaw! Taga-lason! Anak-!” sabi sa tinurang wikang Kapampangan. 
“Aba, Kapampangan pala siya!” sabi ng mga nakarinig. 
“Oo, hindi ba ninyo alam?” sabi ng nakakakilala sa kanya. “Anak siya ni matandang Godiung Pakbong na aking kanayon.”
Napahalakhak nang malakas ang mga nanonood. Napaiyak na si Binibining Phathupats at sa pagpupunas sa kanyang tumutulong luha sumama ang makapal niyang pulbos sa pisngi. Lumitaw ang likas niyang kulay, maitim pa siya sa duhat. Nang makita ito ng mga nanonood lalo na silang napatawa at nagsabi: 
“Aba! Maitim pala siya!”
“Oo, Amerikanang negra siya!”
Sigawan, palakpak, halakhakan ang narinig noon. Hindi na nakatiis si Binibining Phathupats. Nagkandarapa sa paglabas sa daan at sabi niya: 
“Mi no vuelve en esta casa.” 
“Paalam, Binibining hindi marunong ng Kapampangan!” 
“Paalam, Binibining Alice Roosevelt!” 
“Paalam, Binibining Phathupats!”
Ganyan siyang pinagtutulung-tulungan, at ang kawawang Yeyeng ay umalis na bubulung-bulong na parang asong ulol.
Napakarami ng mga Binibining Phathupats sa panahon ngayon. Hindi na sila marunong ng Kapampangan o ikinahihiya na nila ang Kapampangan dahil nakapagsasalita na sila ng ingles na tsampurado.

*****************************************************************************************


Ang isang maikling kwento ay maingat na isinusulat. Ito ay binubuo ng mga sumusunod na sangkap:

  1. TAUHAN – taong gumaganapa ng mahalagang papel sa kwento.

Mga Uri ng Tauhan
1.    Tauhang Lapad (Flat) – sila yaong madaling makilala ng bumabasa.
2.    Bilugang Tauhan (Round) – sila yaong kumakatawan sa tunay na tao. Sila ang mga tauhang nag-iisip na parang buhay na tao lalo na’t may suliraning inihahanap ng lunas.

  1. TAGPUAN – lugar at panahon na pinagyarihan ng kwento.

  1. BANGHAY – tumutukoy sa magkakaugnay na mga pangyayari sa kwento.

Mga Bahagi ng Banghay
1.    Panimulang Galaw
Nagsisimula ito sa isang nakakaakit na sitwasyon. Kailangang ito’y kagyat na makapukaw ng interes ng mga bumabasa sapagkat malaki ang bahagi nito sa kawilihan nilang magpatuloy sa pagsubaybay sa pangyayari.
2.    Tumitinding Galaw
Ang bahaging  ito ay maaaring hatiin sa saglit na kasiglahan at suliraning lulunasan.
2.1.        Ang saglit na kasiglahan ay karugtong ng panimulang galaw. Ditto ay inilalagay ang mambabasa sa tumataas na kawilihang mag-alinlangan sa kung ano ang mangyayari.
2.2.        Ang suliraning lulunasan naman ay binubuo ng mga maliliit na bahagi o pangyayari sa kwento na inihanay upang marating ang kasukdulan. Inayos ito nang kronolohikal o lohikal upang makapabanghay ng makatuwriang kabuuan. Ang bawat maliit na insidente ay kailangang mag-ambag sa pagpapataas ng damdamin o pagpapasulong ng pangyayari.
3.    Kasukdulan
Ito ang pinakamakulay at pinakamakintal na bahagi ng kwento. Tiyak ang ilos o galaw sa bahaging ito ng tauhan. Ang mga pangyayari sa bahaging ito ay hindi na nangangailangan ng anumang paliwanag. Malinaw nang naibalangkas ng mga naunang magkakaugnay na pangyayari ang kasukdulan. Ang suliraning inihahanap ng lunas ay lubha nang matindi o masidhi,  at ang pinakamataas na pagsabog ng damdamin ay bahagi na ng masidhing pangyayari.
4.    Kalinawan o Kakalasan
Ito ang panghuling bahagi ng kwento. Kung minsan, ang kasukdulan at kakalasan ay pinag-iisa na lamang ng manunulat.

  1. TONO – damdaming namayani sa buong kwento.

  1. PAHIWATIG – tumutukoy sa hindi literal na sabihin o pinabayaang mabanggit sa kwento ngunit nauunawaan ng mambabasa.

  1. DIYALOGO – mga pag-uusap o pagsasagutan ng mga tauhan sa loob ng kwento.

  1. SIMBOLO – pagpapakahulugan ng mga literal na bagay, lugar, tao at iba pa na kailangan ang mataas na antas ng pag-unawang kasangkot sa pagbasa para maunawaan ito.

  1. TEMA – diwa o kabuuang mensaheng tinalakay sa mga pangyayari.

  1. DAMDAMIN – emosyong makikita at nakapaloob sa kwento.

  1. TUNGGALIAN – suliraning kinasasadlakan ng pangunahing tauhan.

Mga Uri ng Tauhan
1.    Tao laban sa kanyang sarili – ang tunggalian ay nagaganap sa pagitan ng sariling mga saloobin ng tauhan, ng kanyang mga adhikain o pangarap, ng kanyang mga kaisipan o ideya, ng kanyang mga nais gawin subalit napipilitan siyang gawin ang kabaligtaran nito bunsod ng pinaglalabanang mga kaganapan.
2.    Tao laban sa tao – ito ay tumutukoy sa paglalaban o tunggaliang nagaganap sa pagitan ng dalawa o higit pang tauhan.
3.    Tao laban sa isang bagay sa kanyang paligid – ito’y tumutukoy sa paglalaban o tunggaliang nagaganap sa pagitan ng tao at ng isang bagay sa kanyang paligid.
4.    Tao laban sa kalikasan – ito’y tumutukoy sa isang katotohanang hindi kayang labanan ng tao ang lupit ng kalikasan. Ang pakikipagtunggali ng tao sa kalikasan ay para ring paglabag sa kalooban ng Diyos. Ang kalikasan ay pinagkaloob na biyaya ng Diyos sa tao kaya dapat lamang na pagyamanin ito ng tao.

  1. PANANAW / PUNTO DE VISTA – kaugnay ng nagsasalaysay sa kwento, kung sino ang nakakakita at kung gaano ang nakikita.

Mga Uri ng Pananaw
1.    Unang Panauhang Pananaw
Sa pananaw na ito, ang mismong bidang karakter o pangunahing tauhan ang siyang nagkukwento. Ang bidang karakter ay ginagamitan ng mga panghalip na ako, ko,  akin, atin, natin, tayo, kami.
2.    Tagamasid na Pananaw
Ito ay ginagamit kung nais nating isulat ang karanasan ng iba. Ang bidang karakter ay tinutukoy sa pamamagitan ng mga panghalip na ikaw, mo, ka, iyo, kata, kanila, kita, kayo, inyo, ninyo.
3.    Ikatlong Panauhang Pananaw
Ito ang kadalasang ginagamit sa pagsasalaysay ng anumang komposisyong prosa. Mas madaling  magsalysay sa ganitong paraan. Ang bidang karakter ay tinutukoy sa pamamagitan ng  mga panghalip na siya, niya, kanya, sila, nila, kanila.


Ngayong nabatid mo na ang mga dapat mong malaman upang masuri nang mabuti ang maikling kwento, handa ka na para sa mga sumusunod na tanong na nasa kabilang pahina.



Panuto: Suriin ang maikling kwento sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong:
  1. Sino ang taong gumaganap ng mahalagang papel sa kwento?
  2. Anong uri ng tauhan sa Binibining Phathupats? Bakit?
  3. May tiyak bang lugar na binggit kung saan nangyari ang kwento? Saan ito?

Panuot: Sagutin ang bilang 4-8 sa pamamagitan ng pagsipi ng isang pangungusap mula sa kwento.
  1. Saang bahagi ng kwento ang nakapukaw sa iyong interes?

  1. Anong bahagi ng kwento kung saan mas pinaiigting pa ang mga pangyayari?

  1. Anong nangyari matapos matutunan ni Binibining Phathupats ang Ingles?

  1. Saang bahagi ng kwento ang kinakitaan ng pinakamataas na pagsabog ng damdamin?

  1. Ano ang naging wakas ng kwento?

Panuto: Ipagpatuloy ang pagsagot batay sa hinihingi ng bawat tanong.
  1. Nagustuhan mo ba ang wakas ng kwento? Bakit?

  1. Kung ikaw ang may-akda, paano mo lulunasan ang suliranin at wawakasan ang kwento?

  1. Ano ang damdaming namayani sa buong kwento?

  1. May mga pahayag ba sa kwento na matalinghaga ngunit naiintindihan mo? Sipiin ang pahayag na ito.

  1. Mahusay ba ang mga salitang ginamit sa kwento upang magampanan ang papel ng bawat tauhan? Patunayan.

  1. Anong mga sagisag ang binanggit sa maikling kwento? Bigyan ng pagpapakahulugan ang bawat isa.

  1. Ano ang pangkalahatang kaisipang nais palitawin ng manunulat?

  1. Anong mga damdamin ang makikita sa kwento?

  1. Anong uri ng tunggalian ang makikita sa kwento?

  1. Anong uri ng pananaw ang ginamit ng awtor sa kwento?

Makikita mo sa susunod na pahina ang mga tamang sagot. Magtsek ka kung naging mainam ba ang iyong pagsusuri.

Sagot sa mga Tanong sa Pagsusuri

1.    Si Yeyeng o Binibining Phathupats

2.    Isang bilugang tauhan si binibining Phathupats dahil kumakatawn siya sa tunay na tao. Nagbabago din ang kanyang katangian mula sa isang dalagang Filipina hanggang sa kanyang pagpapanggap na Amerikana.

3.    Oo, sa Pampanga.

4.    “Inakit ng sundalong mag-aral ang dalaga sa paaralang kanyang pinagtuturuan upang magkaintindihan sila.”

5.    “Noong nagtuturo na doon, pinahanga niya ang mga taong-bayan dahil nakikita nilang mas marunong siya ng Ingles kaysa sa kanila.”

6.    “Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila, kaya kalian man hindi na siya makapagsalita nang tuwid at nauutal siya.”

7.    “Walanghiya! Magnanakaw! Taga-lason! Anak---!” sabi sa tinurang wikang Kapampangan.

8.    “Ganyan siyang pinagtulung-tulungan, at ang kawawang Yeyeng umalis na bubulung-bulong na parang asong ulol…”

9.    Pansariling opinion at paglalarawan

10. Pansariling opinion at paglalarawan

11. Galit

12. Meron, “Noon na sumabog ang bulkan. Putok na ubod nang lakas, sumabog ang kaldero ni Binibining Phathupats at mula sa bunganga niyang naglalawa lumabas ang lagablab ng Vesubiyo o ang lahat ng maruruming salita sa Kapampangan, bigla niyang pinagsama-sama sa nag-aapoy na bunganga. 

13. Oo, naaakma sa tauhan ang mga salita dahil sa ginamit na Kapampangan, Kastila at Ingles.

14. Kolorete – nangangahulugan itong mascara ng pagkukunwari
Pagsabog ng bulkan – galit na namamayani sa kalooban ni Binibining Phathupats

15. Mahalin ang sariling wika. Mahalin ang sariling pagkatao. Hindi kailangang magpanggap o magkunwaring ibang tao dahil wala itong maidudulot na kabutihan sa sarili.

16. Galit, pagka-aliw, pagkapahiya

17. Tao laban sa sarili at tao laban sa tao

18. Ikatlong Panauhang Pananaw




Natapos mo nang masuri ang maikling kwento ayon sa mga sangkap nito. Upang maging ganap ang iyong pagkatuto, tugunin ang panghuling pagsubok sa ibaba.



Panghuling Pagsubok

Panuto: Punan mo ng mga kadahilanan ang sumusunod na pahayag gamit ng iyong sariling opinion na maaaring maiugnay mo sa iyong sarili, sa buhay ng iba o maging sa lipunan.

  1. Tinulungan ko si Yeyeng na matutong magsalita ng Ingles dahil…

  1. Kung ang kapalit ay ang pagtalikod ko sa aking wika, hindi ko gusting matutuhan ang Ingles dahil…

  1. Hindi ko medaling makakalimutan ang sarili kong pagkatao dahil…

  1. Hindi ko makakayang magkunwaring Amerikano sa mata ng ibang tao dahil…

  1. Dapat lang ang nangyari kay Binibining Phathupats dahil…







Upang mas maging makabuluhan ang iyong pagkatuto sa maikling kwento, sagutin ang pagpapahalaga sa susunod na pahina.





Pagpapahalaga

Panuto: Upang mapahalagahan mo ang mensaheng nais iparating ng maikling kwento, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  1. Anong gagawin mo kung ang iyong matalik na kaibigan ay isang “Binibining Phathupats”?

  1. Nararapat bang husgahan at kutyain ang isang kagaya niya? Bakit?

  1. Anong magagawa mo upang huwag nang dumami pa ang mga “Binibining Phathupats” sa ating lipunan?







May natutunan ka ba sa modyul na ito? Nawa’y nalinang ang iyong kakayahang sumuri ng maikling kwento at napag-ibayo mo ang iyong kakayahang pahalagahan ang mga kaisipang ipinahayag sa kwento.


Dito nagtatapos ang iyong aralin.


Maligayang bati sa iyong pagsasanay!