ISANG MODYUL NG
REHIYON III GITNANG LUZON
Modyul 3
Si Binibining Phathupats
ni Juan Crisostomo Soto
Panimula
Ang modyul na ito ay nakalaan para ika’y matuto. Ito ay inihanda upang mapag-ralan mo ang iba’t ibang lalawigang sakop ng Rehiyon 3 Gitnang Luzon at ang mayamang panitikang angkin nito. Nakapaloob dito ang ilang aralin, pagsasanay at pagsubok na susukat sa iyong kakayahang unawain ang akda, suriin ito batay sa mga sangkap ng maikling kwento at pahalagahan ang mensahe at aral na nais ihatid ng may-akd sa kanyang mambabasa. Inayos ang mga gawain upang mapahalagahan ang panitikan ng rehiyon. Kailangang mapag-aralan mo ito upang matukoy ang mga mahahalagang kaisipan at magamit sa pagharap mo sa mga hamon ng buhay.
Mga Dapat Gawin Upang Matuto
1. Sundin ang mga panuto sa bawat gawain.
2. Basahin nang mabuti ang maikling kwento.
3. Ipahayag ang sariling pananaw at saloobin.
4. Sagutin ang mga pagsubok nang may katapatan.
Pangkalahatang Layunin
Pagkatapos mong mapag-aralan ang modyul na ito, inaasahang:
1. nasusuri mo ang maikling kwento gamit ang mga sangkap nito;
2. naibibigay mo ang iyong mga sariling saloobin at damdamin tungkol sa kwento; at
3. nadadagdagan mo ang mga pariralang may kaugnayan sa sitwasyong ibinigay sa iyong buhay.
Upang malaman ang iyong kahandaan sa araling ito, ikaw ay mabibigyan ng paunang pagsubok.
Paunang Pagsubok
A. Pangalanan ang mga Lalawigan
Panuto: Pangalanan ang mga lalawigang sakop ng Rehiyon 3 Gitnang Luzon batay sa mga sumusunod na paglalarawan. Ilagay sa blangkong mapa ang iyong sagot.
1. Ito ay dating bahagi ng Quezon. Sa katunayan, ang pangalan ng lalawigang ito ay nagmula sa pangalan ng maybahay ni Pangulong Manueul L. Quezon.
2. Lungsod ng Balanga ang kabisera nito at pinapaligiran ng mga lalawigan ng Zambales at Pampanga sa hilaga.
3. Ang pangalan ng lalawigang ito ay maaaring tumutukoy noon sa pook na may maraming tanim na bulak o bulaklak.
4. Ipinangalan ang lalawigan sa lumang lungsod ng Écija sa Seville, Espanya.
5. Pinaniniwalaang mula sa ugat na salitang “Malatarlac, (talahib).
6. Ang pangalan ng lalawigan ay nagmula sa wikang Zambal na ang ibig sabihin ay "mapamahiin at sumasamba sa kaluluwa ng mga namatay na kamag-anak."
7. Ang pangalan nito ay ibinigay ng mga Kastila sa lalawigan dahil natagpuan nila ang mga unang naninirahan dito sa tabi ng pampang.
B. Pagpapakahulugan sa mga mahihirap na salita.
Panuto: Alamin ang kahulugan ng mahihirap na salita sa loob ng mga sumusunod na pangungusap. Isulat ang titik ng iyong sagot sa puwang bago ang bilang.
_____1. Punong-puno ng kolorete ang mukha ng dalagang si binibining Yeyeng.
a. pinturang pangmukha
b. pampapula sa labi
c. pampaputi ng mukha
d. kosmetikong pampaganda
_____2. Paglipas ng walong buwan, sa amuki ng gurong kawal, pinahatid siya sa isang bayan kung saan siya pinagturo.
a. pag-akit sa iba upang mapasang-ayon sa isang bagay
b. pagpapayo sa iba upang tanggihan ang isang imbetasyon.
c. pagsasabi ng magagandang bagay upang mapasang-ayunan ang isang desisiyon
d. panghihikayat sa grupo ng tao upang pabulaanan ang isang desisiyon.
_____3. Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila,kaya kailan man hindi na siya makapagsalita nang tuwid at nauutal siya.
a. nabubulol na pagbigkas
b. paputul-putol na pagbigkas ng mga salita
c. nasasapid ang dila kapag nagsasalita
d. hindi marunong bumigkas ng salita
_____4. Pinalitan tuloy ang kanyang pangalan at pinangalanan siya ng matunog at umaalingasaw na “Binibining Pahathupats”.
a. matunog at malansang amoy
b. mahina ngunit mabahong amoy
c. malakas at mabahong amoy
d. walang tunog ngunit malansang amoy
_____5. Ang Binibing Phathupats ang naging palasak.
a. laganap
b. di-pangkaraniwan
c. naiiba
d. madalas ginagamit
Makikita mo sa susunod na pahina ang tamang sagot sa paunang pagsubok. Mag-tsek ka.
Sagot sa Paunang Pagsubok
A. 1. Aurora
2. Bataan
3. Bulacan
4. Nueva Ecija
5. Tarlac
6. Zambales
7. Pampanga
B. 1. Kolorete - d.kosmetikong pampaganda
2. amuki – a. pag-akit sa iba upang mapasang-ayon sa isang bagay
3. nauutal – b. paputul-putol na pagbigkas ng mga salita
4. umaalingasaw – c. malakas at mabahong amoy
5. palasak – a. laganap
Upang magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa Rehiyon 3, basahin mong mabuti at unawain ang paglalahad sa susunod na pahina.
Rehiyon 3 Gitnang Luzon
Pangkalahatang kaalaman
Ang Gitnang Luzon ay isang malaking kapatagan kung saan inaani ang karamihan sa bigas na kinakain sa araw-araw. Ang mga probinsya o lalawigang bahagi ng Gitnang Luzon ay Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales at Pampanga. Ibaling ang iyong pansin sa mayamang lalawigan ng Pampanga.
Ang Pampanga ay hango sa salitang pampang o pampangan na ang ibig sabihin ay tabing ilog. Mangilan-ngilan lamang ang kanilang literatura bago dumating ang mga Kastila kaya napakadaling naimpluwensiyahan ang panitikan nila nang dumating ang mga Kastila. Lalo na ng dumating ang mga Amerikano. Ilan sa mga kilalang manunulat ng Rehiyon 3 ay sina Virgilio S. Almario, Julian Cruz Balmaceda, Aurelio Tolentino, Jose Corazon de Jesus, Aniceto dela Merced, Marcelo H. ddel Pilar, Francisco Baltazar, Florentino Collantes, Teodoro Giner, Cinco H. Panganiban, Valeriano Hernandez Peña at Juan Crisostomo Sotto.
Basahin mong mabuti at unawain ang maikling kwento mula sa Pampanga.
Si Binibining Phathupats
ni Juan Crisostomo Soto
Punong puno ng kolorete ang mukha ng dalagang si Binibining Yeyeng. Sabi nila ipinanganak ang kanyang mga magulang sa sulok ng Pampanga, sa pinakamaliliit na bayan nito. Dahil dito Pilipina si Binibining Yeyeng mula ulo hanggang paa, at kahit sa kadulu-duluhan ng kanyang buhok, Kapampangan siya.
Dahil mahirap lang sila, karamihang nagtitinda ang ikinabubuhay. Nakikita si Binibining Yeyeng na sunong ang ginatan o kaya bitso-bitso na inilalako niya sa mga sugalan. Nagdalagang walang pagbabago sa buhay nitong binibini.
Natapos ang rebolusyon. Nagbukas ng paaralan ang pamahalaang militar ng Amerika at dito pinagturo ang mga sundalong Amerikano. Nangyaring si Binibining Yeyeng, Yeyeng pa noon, wala pang binibini, ay nagkaroon ng suking sundalo. Inakit ng sundalong mag-aral ang dalaga sa paaralang kanyang pinagtuturuan upang magkaintindihan sila. Sa kanilang pag-uusap, nag-iingles ang sundalo, nagkaka-pampangan si Binibining Yeyeng, kaya napilitan siyang mag-aral.
Pagkaraan ng ilang buwan, nagsasalita na ng ingles si Binibining Yeyeng. Paglipas ng walong buwan, sa amuki ng gurong kawal, ipinahatid siya sa isang bayan kung saan siya pinagturo.
Noong nagtuturo na doon, pinahanga niya ang taong-bayan dahil nakikita nilang mas marunong siya ng ingles kaysa sa kanila.
Ganyan lumipas ang panahon. Halos hindi na nagsalita si Binibining Yeyeng ng Kapampangan dahil sabi niya ay nakalimutan na niya. Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila, kaya kalian man hindi na siya makapagsalita ng tuwid at nauutal siya.
Nagkalabitan ang mga maalam na nakakikilala sa kanya pagkarinig nito. Pinalitan tuloy ang kanyang pangalan at pinangalanan siya ng matunog at umaalingasaw na “Binibining Phathupats,” pangalang hango sa malapad niyang balakang na pilit na iniipit sa pahang mahigpit na ginagamit niya, kaya wala siyang iniwan sa patupat o suman sa ibus na mahigpit ang balot.
Magmula noon ito ang pangalang ibinansag sa kanya at nakalimutan nilang tuluyan ang Yeyeng, ang malambing niyang palayaw. Ang Binibining Phathupats ang naging palasak.
Ganito nang ganito ang buhay. Hindi nagtagal lumabas ang Ing Emangabiran, pahayagang Kapampangan sa Bacolor. Sa isang pista o velada sa bayang X, na kung saan dumalo si Binibining Phathupats, binabasa ito. Lumapit siya, ngunit nang makita na Kapampangan ang binabasa, lumabi ng kunti, umiling at nagsabi.
“Mi no entiende el Pampango”
“Mi no entiende ese Castellano, Binibini,” sabi naman ng isang susut, ginagad ang kanyang tono.
Napangiti lahat ng nasa umpukan: at sapagkat may pinag-aralan sila, hindi na nila ipinakita ang pagkaaliw nila sa binibini. At ito namang babae kahit alam na parang tinutukso na siya ay nagpatuloy din at nagsabi:
“Sa katunayan, totoong nahihirapan na akong bumigkas ng Kapampangan lalo na kung binabasa ko.”
Dito sa iilang salitang binigkas niya, sumama lahat ang iba’t ibang wika ng talasalitaang bulgar na ang Ingles, Kastila, Tagalog na pinaghalu-halo niya ang walang kawawaan. Hindi na nakapagpigil ang mga nakarinig; napatawa sila ng malakas.
Nagalit si Binibining Phathupats, hinarap ang mga tumatawa at sabi niya:
“Porque reir?”
“Por el tsampurado, Binibini,” sabi ng unang sumagot.
Lalong lumakas ang halakhak ng mga nakikinig at nag-init ang pakiramdam ni Binibining Phathupats.
Isa sa mga nakatayo ang nagsabi ng ganito.
“Hindi kayo dapat magtaka kung hindi na marunong ng Kapampangan si Binibining Phathupats: Una, dahil matagal na siyang nakisama sa mga kawal na Amerikano: pangalawa, hindi na siya Kapampanga. Katunayan Binibining Phathupats ang kanyang pangalan”.
Noon na sumabog ang bulkan. Putok na ubod nang lakas, sumabog ang kaldero ni Binibining Phathupats at mula sa bunganga niyang naglalawa lumabas ang lagablab ng Vesubiyo o ang lahat ng maruruming salita sa Kapampangan, bigla niyang pinagsama-sama sa nag-aapoy na bunganga.
“Walanghiya! Magnanakaw! Taga-lason! Anak-!” sabi sa tinurang wikang Kapampangan.
“Aba, Kapampangan pala siya!” sabi ng mga nakarinig.
“Oo, hindi ba ninyo alam?” sabi ng nakakakilala sa kanya. “Anak siya ni matandang Godiung Pakbong na aking kanayon.”
Napahalakhak nang malakas ang mga nanonood. Napaiyak na si Binibining Phathupats at sa pagpupunas sa kanyang tumutulong luha sumama ang makapal niyang pulbos sa pisngi. Lumitaw ang likas niyang kulay, maitim pa siya sa duhat. Nang makita ito ng mga nanonood lalo na silang napatawa at nagsabi:
“Aba! Maitim pala siya!”
“Oo, Amerikanang negra siya!”
Sigawan, palakpak, halakhakan ang narinig noon. Hindi na nakatiis si Binibining Phathupats. Nagkandarapa sa paglabas sa daan at sabi niya:
“Mi no vuelve en esta casa.”
“Paalam, Binibining hindi marunong ng Kapampangan!”
“Paalam, Binibining Alice Roosevelt!”
“Paalam, Binibining Phathupats!”
Ganyan siyang pinagtutulung-tulungan, at ang kawawang Yeyeng ay umalis na bubulung-bulong na parang asong ulol.
Napakarami ng mga Binibining Phathupats sa panahon ngayon. Hindi na sila marunong ng Kapampangan o ikinahihiya na nila ang Kapampangan dahil nakapagsasalita na sila ng ingles na tsampurado.
*****************************************************************************************
Ang isang maikling kwento ay maingat na isinusulat. Ito ay binubuo ng mga sumusunod na sangkap:
- TAUHAN – taong gumaganapa ng mahalagang papel sa kwento.
Mga Uri ng Tauhan
1. Tauhang Lapad (Flat) – sila yaong madaling makilala ng bumabasa.
2. Bilugang Tauhan (Round) – sila yaong kumakatawan sa tunay na tao. Sila ang mga tauhang nag-iisip na parang buhay na tao lalo na’t may suliraning inihahanap ng lunas.
- TAGPUAN – lugar at panahon na pinagyarihan ng kwento.
- BANGHAY – tumutukoy sa magkakaugnay na mga pangyayari sa kwento.
Mga Bahagi ng Banghay
1. Panimulang Galaw
Nagsisimula ito sa isang nakakaakit na sitwasyon. Kailangang ito’y kagyat na makapukaw ng interes ng mga bumabasa sapagkat malaki ang bahagi nito sa kawilihan nilang magpatuloy sa pagsubaybay sa pangyayari.
2. Tumitinding Galaw
Ang bahaging ito ay maaaring hatiin sa saglit na kasiglahan at suliraning lulunasan.
2.1. Ang saglit na kasiglahan ay karugtong ng panimulang galaw. Ditto ay inilalagay ang mambabasa sa tumataas na kawilihang mag-alinlangan sa kung ano ang mangyayari.
2.2. Ang suliraning lulunasan naman ay binubuo ng mga maliliit na bahagi o pangyayari sa kwento na inihanay upang marating ang kasukdulan. Inayos ito nang kronolohikal o lohikal upang makapabanghay ng makatuwriang kabuuan. Ang bawat maliit na insidente ay kailangang mag-ambag sa pagpapataas ng damdamin o pagpapasulong ng pangyayari.
3. Kasukdulan
Ito ang pinakamakulay at pinakamakintal na bahagi ng kwento. Tiyak ang ilos o galaw sa bahaging ito ng tauhan. Ang mga pangyayari sa bahaging ito ay hindi na nangangailangan ng anumang paliwanag. Malinaw nang naibalangkas ng mga naunang magkakaugnay na pangyayari ang kasukdulan. Ang suliraning inihahanap ng lunas ay lubha nang matindi o masidhi, at ang pinakamataas na pagsabog ng damdamin ay bahagi na ng masidhing pangyayari.
4. Kalinawan o Kakalasan
Ito ang panghuling bahagi ng kwento. Kung minsan, ang kasukdulan at kakalasan ay pinag-iisa na lamang ng manunulat.
- TONO – damdaming namayani sa buong kwento.
- PAHIWATIG – tumutukoy sa hindi literal na sabihin o pinabayaang mabanggit sa kwento ngunit nauunawaan ng mambabasa.
- DIYALOGO – mga pag-uusap o pagsasagutan ng mga tauhan sa loob ng kwento.
- SIMBOLO – pagpapakahulugan ng mga literal na bagay, lugar, tao at iba pa na kailangan ang mataas na antas ng pag-unawang kasangkot sa pagbasa para maunawaan ito.
- TEMA – diwa o kabuuang mensaheng tinalakay sa mga pangyayari.
- DAMDAMIN – emosyong makikita at nakapaloob sa kwento.
- TUNGGALIAN – suliraning kinasasadlakan ng pangunahing tauhan.
Mga Uri ng Tauhan
1. Tao laban sa kanyang sarili – ang tunggalian ay nagaganap sa pagitan ng sariling mga saloobin ng tauhan, ng kanyang mga adhikain o pangarap, ng kanyang mga kaisipan o ideya, ng kanyang mga nais gawin subalit napipilitan siyang gawin ang kabaligtaran nito bunsod ng pinaglalabanang mga kaganapan.
2. Tao laban sa tao – ito ay tumutukoy sa paglalaban o tunggaliang nagaganap sa pagitan ng dalawa o higit pang tauhan.
3. Tao laban sa isang bagay sa kanyang paligid – ito’y tumutukoy sa paglalaban o tunggaliang nagaganap sa pagitan ng tao at ng isang bagay sa kanyang paligid.
4. Tao laban sa kalikasan – ito’y tumutukoy sa isang katotohanang hindi kayang labanan ng tao ang lupit ng kalikasan. Ang pakikipagtunggali ng tao sa kalikasan ay para ring paglabag sa kalooban ng Diyos. Ang kalikasan ay pinagkaloob na biyaya ng Diyos sa tao kaya dapat lamang na pagyamanin ito ng tao.
- PANANAW / PUNTO DE VISTA – kaugnay ng nagsasalaysay sa kwento, kung sino ang nakakakita at kung gaano ang nakikita.
Mga Uri ng Pananaw
1. Unang Panauhang Pananaw
Sa pananaw na ito, ang mismong bidang karakter o pangunahing tauhan ang siyang nagkukwento. Ang bidang karakter ay ginagamitan ng mga panghalip na ako, ko, akin, atin, natin, tayo, kami.
2. Tagamasid na Pananaw
Ito ay ginagamit kung nais nating isulat ang karanasan ng iba. Ang bidang karakter ay tinutukoy sa pamamagitan ng mga panghalip na ikaw, mo, ka, iyo, kata, kanila, kita, kayo, inyo, ninyo.
3. Ikatlong Panauhang Pananaw
Ito ang kadalasang ginagamit sa pagsasalaysay ng anumang komposisyong prosa. Mas madaling magsalysay sa ganitong paraan. Ang bidang karakter ay tinutukoy sa pamamagitan ng mga panghalip na siya, niya, kanya, sila, nila, kanila.
Ngayong nabatid mo na ang mga dapat mong malaman upang masuri nang mabuti ang maikling kwento, handa ka na para sa mga sumusunod na tanong na nasa kabilang pahina.
Panuto: Suriin ang maikling kwento sa pamamagitan ng pagsagot sa mga sumusunod na tanong:
- Sino ang taong gumaganap ng mahalagang papel sa kwento?
- Anong uri ng tauhan sa Binibining Phathupats? Bakit?
- May tiyak bang lugar na binggit kung saan nangyari ang kwento? Saan ito?
Panuot: Sagutin ang bilang 4-8 sa pamamagitan ng pagsipi ng isang pangungusap mula sa kwento.
- Saang bahagi ng kwento ang nakapukaw sa iyong interes?
- Anong bahagi ng kwento kung saan mas pinaiigting pa ang mga pangyayari?
- Anong nangyari matapos matutunan ni Binibining Phathupats ang Ingles?
- Saang bahagi ng kwento ang kinakitaan ng pinakamataas na pagsabog ng damdamin?
- Ano ang naging wakas ng kwento?
Panuto: Ipagpatuloy ang pagsagot batay sa hinihingi ng bawat tanong.
- Nagustuhan mo ba ang wakas ng kwento? Bakit?
- Kung ikaw ang may-akda, paano mo lulunasan ang suliranin at wawakasan ang kwento?
- Ano ang damdaming namayani sa buong kwento?
- May mga pahayag ba sa kwento na matalinghaga ngunit naiintindihan mo? Sipiin ang pahayag na ito.
- Mahusay ba ang mga salitang ginamit sa kwento upang magampanan ang papel ng bawat tauhan? Patunayan.
- Anong mga sagisag ang binanggit sa maikling kwento? Bigyan ng pagpapakahulugan ang bawat isa.
- Ano ang pangkalahatang kaisipang nais palitawin ng manunulat?
- Anong mga damdamin ang makikita sa kwento?
- Anong uri ng tunggalian ang makikita sa kwento?
- Anong uri ng pananaw ang ginamit ng awtor sa kwento?
Makikita mo sa susunod na pahina ang mga tamang sagot. Magtsek ka kung naging mainam ba ang iyong pagsusuri.
Sagot sa mga Tanong sa Pagsusuri
1. Si Yeyeng o Binibining Phathupats
2. Isang bilugang tauhan si binibining Phathupats dahil kumakatawn siya sa tunay na tao. Nagbabago din ang kanyang katangian mula sa isang dalagang Filipina hanggang sa kanyang pagpapanggap na Amerikana.
3. Oo, sa Pampanga.
4. “Inakit ng sundalong mag-aral ang dalaga sa paaralang kanyang pinagtuturuan upang magkaintindihan sila.”
5. “Noong nagtuturo na doon, pinahanga niya ang mga taong-bayan dahil nakikita nilang mas marunong siya ng Ingles kaysa sa kanila.”
6. “Matigas daw ang Kapampangan at nababaluktot ang kanyang dila, kaya kalian man hindi na siya makapagsalita nang tuwid at nauutal siya.”
7. “Walanghiya! Magnanakaw! Taga-lason! Anak---!” sabi sa tinurang wikang Kapampangan.
8. “Ganyan siyang pinagtulung-tulungan, at ang kawawang Yeyeng umalis na bubulung-bulong na parang asong ulol…”
9. Pansariling opinion at paglalarawan
10. Pansariling opinion at paglalarawan
11. Galit
12. Meron, “Noon na sumabog ang bulkan. Putok na ubod nang lakas, sumabog ang kaldero ni Binibining Phathupats at mula sa bunganga niyang naglalawa lumabas ang lagablab ng Vesubiyo o ang lahat ng maruruming salita sa Kapampangan, bigla niyang pinagsama-sama sa nag-aapoy na bunganga.
13. Oo, naaakma sa tauhan ang mga salita dahil sa ginamit na Kapampangan, Kastila at Ingles.
14. Kolorete – nangangahulugan itong mascara ng pagkukunwari
Pagsabog ng bulkan – galit na namamayani sa kalooban ni Binibining Phathupats
15. Mahalin ang sariling wika. Mahalin ang sariling pagkatao. Hindi kailangang magpanggap o magkunwaring ibang tao dahil wala itong maidudulot na kabutihan sa sarili.
16. Galit, pagka-aliw, pagkapahiya
17. Tao laban sa sarili at tao laban sa tao
18. Ikatlong Panauhang Pananaw
Natapos mo nang masuri ang maikling kwento ayon sa mga sangkap nito. Upang maging ganap ang iyong pagkatuto, tugunin ang panghuling pagsubok sa ibaba.
Panghuling Pagsubok
Panuto: Punan mo ng mga kadahilanan ang sumusunod na pahayag gamit ng iyong sariling opinion na maaaring maiugnay mo sa iyong sarili, sa buhay ng iba o maging sa lipunan.
- Tinulungan ko si Yeyeng na matutong magsalita ng Ingles dahil…
- Kung ang kapalit ay ang pagtalikod ko sa aking wika, hindi ko gusting matutuhan ang Ingles dahil…
- Hindi ko medaling makakalimutan ang sarili kong pagkatao dahil…
- Hindi ko makakayang magkunwaring Amerikano sa mata ng ibang tao dahil…
- Dapat lang ang nangyari kay Binibining Phathupats dahil…
Upang mas maging makabuluhan ang iyong pagkatuto sa maikling kwento, sagutin ang pagpapahalaga sa susunod na pahina.
Pagpapahalaga
Panuto: Upang mapahalagahan mo ang mensaheng nais iparating ng maikling kwento, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
- Anong gagawin mo kung ang iyong matalik na kaibigan ay isang “Binibining Phathupats”?
- Nararapat bang husgahan at kutyain ang isang kagaya niya? Bakit?
- Anong magagawa mo upang huwag nang dumami pa ang mga “Binibining Phathupats” sa ating lipunan?
May natutunan ka ba sa modyul na ito? Nawa’y nalinang ang iyong kakayahang sumuri ng maikling kwento at napag-ibayo mo ang iyong kakayahang pahalagahan ang mga kaisipang ipinahayag sa kwento.
Dito nagtatapos ang iyong aralin.
Maligayang bati sa iyong pagsasanay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento